Ika-
15 ng Mayo, 2001 – Tila hungkag na kadiliman ang bumabalot sa madawag na
bulwagan. Dumako ang kanyang hubad na talampakan sa kalagitnaan ng kawalan na
tila kabisado na ang paroroonan.
Alam
niyang ito’y hindi isang panggitla para sa kanyang kumpleanyo. Alam niya na sa
pagpukaw ng mga umaandap-andap na baga ay hindi surpresa ang ilalantad ng
karimlan sa loob ng malawig na puwang.
Nauulinigan
niya ang mga mumunting kaluskusan at bungisngisan ng animo’y mga dagang
nagkukubli sa kasalimuutan ng dilim, patunay na sa loob ng lagim na bumabalot
sa lugar ay may mga taong kinakanlong ng lilim, nananabik sa pagningas ng mga
matitingkad na alitaptap.
Ilang
sandali na lang ay maaaring kumislap ang mga baga na maglalantad sa kanya mula
sa kadiliman. Sa di kadingatdingat ay naramdaman niya ang tila nanghihinabang
na hanging umihip sa kanyang tainga. Nangilakbot ang kanyang kalamnan, nanlata
ang kanyang gulugod at nangatog ang kanyang tuhod.
“Umayos
ka na!” dagliang utos ng paos na boses na kagyat na bumasag sa katahimikan.
Nangilabot
ang kanyang sikmura. Sa tiniblas ng silid kanyang nasilayan ang ina at ang
kanyang mga kapatid. Humampas muli ang malamig na hangin. Siya ay napatindig.
Ang
araw na ito ay ang araw ni Karla. Ngayon siya’y dalawampu’t dalawang taong
gulang. Gayunpaman, ang pagsiklab ng baga ay hindi isang selebrasyon, kung
hindi ay isang eksplorasyon ng mga matang naghihintay na siya’y makita.
Nagliyab
ang isang bolang apoy na mala-santelmo ang kinang sa kalagitnaan ng silid, sa
kaibuturan kung saan manhid na nakatindig si Karla, sa sentro ng bulwagan kung
saan nagmamasid ang sanlibong matang sinisilaban ng kalibugan.
Umalingawngaw
ang isang nakakaaliw na musika, kabalintunaan sa magulong ugong ng pagbati na
marapat sana’y gigimbal para sa kanya.
Sa
pagliyab ng iba pang bolang apoy sa bulwagan, unti-unti niyang nababanaag ang
dagat ng mga mabilog at nakaluwang mga mata at lahat ng ito’y nakatampol sa
kanya.
Sa
indayog ng musika’y gumewang-gewang ang kanyang mabilog na balakang. Mula sa
kahungkagan, natabunan ng hiyawan ang malamyos na melodiya na kanyang
sinasabayan.
Unti-unting
lumiyab ang mga natitirang santelmo. Unti-unting nahasik ang mga makukulay na
liwanag, lumatag ang katotohanan sa likod ng noo’y kalabuan, nalantad ang
libumbon ng mga matang pinaghaharian ng kahalayan, nagreyna ang kahubdan ng
isang mapanrahuyong monarkang umiindak sa gitna ng kaharian.
Kumurap-kurap
ang mga malilikot na baga sa bahay-aliwan, ngunit nananatiling walang gatol ang
mga balintataw sa pagnanasa. Sapagkat sa gitna ng pamamalagi ng mala-impyernong
init ng pita ng madla ay isang sirenang tanging pulang pinta sa labi ang
binabata.
Ang
kanyang kahubdan ay ang pinakamatingkad na tanglaw sa kabaret. Ang atraksyong
mapanghalina na nakapagparubdob sa pagnanais na matamasa ng bawat matang
salaula.
Patuloy
ang malamyos na tunog, ang mga matitinis na hiyawan, ang pagkiwal ng kanyang
baywang hanggang sa nalulong nito ang lahat sa diwa ng kalibugan sa alindog
niyang tangan.
Sinong
mag-aakalang ang marikit na tataw ay anak ng isang modesta sa isang pagawaang
pinaiiral ng mga mapang-abusong kapitalista. Humayo na ang kanyang ama mula sa
kasalimuutan ng sanlibutan at naiwan sila sa araw-araw na pakikipagsagupa’t pakikibaka,
sampu ng dalawa pa niyang kapatid na bata.
Kamakailan
lamang ay tinakasan ng sigla ang ina. Kinailangan nitong operahan sa bato noong
nakalipas na buwan. Sa pakaratay sa kahoy na papag, napilitan siyang pasukin
ang industriya ng pagbebenta ng laman, ang pedestal na kinababagsakan ng mga
pinagkaitan at latak ng lipunan. Ang mundo ng paghahandog ng panandaliang aliw
sa isang kabaret sa Morato ay isang tadhanang di na niya sinubok na takasan.
Ang
kanyang kinikita ay ang nagbigay lunas sa pagkagulapay ng ina. Bumalik ang dati
nitong sikad. Bumalik rin ito sa edipisyong kuta ng pananamantala.
Gayunpaman,
nanatili si Karla sa kalantaran sa ilalim ng lilim ng liwanag ng apog. Ito ay sa
kagustuhan na mapahumpay ang ina sa pagkayod. Naniniwala siya na ang bawat
pilak na kanyang inaani mula sa pagpapakita ng kanyang kahubdan ay sapat na
upang buhayin silang lima at kahit pa ang iahon ang kanilang pamilya mula sa
pagkadusta sa kumunoy ng karukhaan.
Kung
malalaman lamang ng ina ang pinasok niyang kabuhayan.
Sa
buong pag-aakala nito, siya ay isang resepsiyunista sa isang hay end na hotel
sa Morato. Ang kanyang pagbabalat-kayo ay kanyang binalabalan ng pormal na
bisnes sut at pulang pinta na pang-akit raw sa mga turista.
Lingid
sa kanilang kaalaman, kanyang hinuhubad ang prestihiyosang kasuotan, tanging
iniiwan ang pulang pinta sa kanyang
manipis at maputlang labi.
Naramdaman
niya na tila namamaos na ang samyo ng tugtugin. Mababakas ang mapait na mukha ng
paghihinayang mula sa madla. Ngunit kay Karla ay isang di maipaliwanag na
ligaya para sa isa na namang pagpipinid ng telon ng mala- bangungot na
karanasan na gabi-gabi niyang kinakabaka.
Lumaganap
ang dilim.
Sa
lagim na muling bumalot sa lugar, naramdaman niya ang isang kamay na may yapos
na kalupi. Dumami ang mga kamay, dumami ang mga kalupi. Sa kanyang
pagwawari-wari, masagana ang kanyang araw sa tulong ng salaping nakalap.
Ngumiti ang labing kinulayan ng pulang pinta.
Mabilis
niyang isinuot ang pambalat-kayo.
Sa
di kaginsa-ginsa’y isang mainit at masilakbong kamay ang tumaban sa kanyang
braso. Hinaltak siya nito sa lugar na may kalinawan. Umayon siya sa pwersang
mas malakas sa kanya ng walang pagtanggi. Sabay silang tumakas sa lagim na
bumabalot sa lugar. Sila’y humantong sa isang mas madilim na kwarto sa kabilang
gusali.
Sa
kabila ng kadiliman, kanyang nabanaag ang eleganteng halimuon ng silid. Nararamdaman niya ang ere ng kahong
kinasadlakan sa piling ng isang estranghero, isang imahe ng isang buhay na
kanyang paulit-ulit na matitikman ngunit di kailanman makakamtan.
Lumiyab
ang nag-iisa ngunit mala-araw na tanglaw sa ibabaw ng malatang karagatan. Sa
pagkakaupo’y nasilayan niya ang di matatatwang kisig at kariktan ng
estrangherong nasa kanyang harapan.
Sa
pagtatagpo ng kanilang balintataw, sila’y nagkaunawaan. Kinulong ng
mala-aserong bisig ang kanyang katawan, hinagkan nito ang kanyang labing
natatabunan ng pulang pinta.
Kumalat
ang tinta sa kanyang labi sa pagsanib nito sa estrangherong kasama niya. Ang
halik na isang gabing pagsasaluhan, halik na sing-alab ng apoy na tila ba ay
walang hanggang dumadarang.
Sa
unang pagkakataon, siya’y nagpatihulog sa patibong. Sa unang pagkakataon, siya
ay nahubdan ng isang estrangherong nananabik na mahagkan ang kanyang kabuuan,
ang unang lalaking napukaw ng kanyang laman, ang unang lalaking di man lang
niya batid ang pangalan at nakaraan.
Isa
lamang siyang puta at ang kanyang puso’y di dapat tinatalaban ng pag-ibig. Siya
ay may aliwayan sa pagmamahal sa bawat lalaking ang tingin lamang sa kanya ay
isang panandaliang parausan ng pansamantalang init ng kalibugan.
Ito
ang unang beses na siya’y magpapagamit at ngayo’y makikipagniig sa isang parokya.
At ito ay iniaalay niya para sa kanyang pamilya.
Nababanaag
na niya na sa perang kikitain ay may sapat na siyang pamuno sa hapag para sa
kanyang araw. Nasasabik ang kanyang puso na umuwi ng tahanan tangan-tangan ang
mga pasalubong na pagkain; sa pag-asang naghihintay ang kanyang pamilya na
siya’y makapiling ngayong gabi bago maglaho ang kanyang araw.
Sa
kabila ng pagkadarang sa sensasyong nadarama ay nakuha niyang tumingin sa bilog
na orasan sa likod ng lalaking ngayon sa kanya’y yumayapos. Malapit nang
maghating-gabi, malamang ay naghihintay na at nag-aalala ang kanyang ina.
Siya
ay nabalisa.
…
Balisang-balisa
na ang kanyang pag-iisip sa kung nasaan nang lupalop naroroon ang anak.
Napabalikwas siya sa hinihigaan, hatinggabi na ay wala pa ang kanyang panganay
na dalaga. Batid niya na ito ay uuwi ng maaga para sa selebrasyon ng kanyang
kumpleanyo.
Lumipas
pa ang ilang minuto, tuluyan nang naglaho ang kanyang araw, ngayon ay ganap
nang ika-16 ng Mayo. Naghari ang panghihinayang sa kanyang lumang mukha. Hindi
man lamang niya ito nabati; hindi man lamang siya nakapagpasalamat dito para sa
dakilang pagpapagal na ibinuhos nito sa kanilang pamilya, sa pagsusugpong ng
ibayo pang mga taon sa kanyang buhay.
Kung
kaya’t kahit anong mangyari ay nais niyang maiabot ang handog na pasasalamat sa
kanyang anak, isang lipistik na pinagbuhusan ng isang linggong sweldo, ang
pulang pintang mahalaga sa bawat resepsiyunista, ang pulang pinta na pang-akit
sa mga turista.
Mula
sa isang malakas na pwersa na umagos mula sa kanyang kaibuturan, siya ay
tumindig, dinaklot ang pulang pinta at niluwa ng dampang tinitirhan.
…
Pinilit
ng estrangherong alisin ang kanyang pagkabalisa. Hinagkan niya ito ng mahigpit.
Pinilit nitong paligayahin ang puta at nagtagumpay siya. Tinakasan ito ng
sarili, nadala ng mabagsik na agos, natangay ng daluyong sa bawat indayog ng
pagniniig nilang dalawa.
Siya’y
nagalak, napagod, nanghina, nahimbing, nakalimot.
…
Naglaho
ang init mula sa katawan na isang gabing bumalot sa kanya,. Dumampi sa kanya
ang malamig na init na inilalabas ng pebong tumatagos sa eleganteng durungawan.
Siya
ay kagyat na napaso at napabalikwas.
Wala
na ang estrangherong umangkin sa kanyang kahubdan sa isang gabimg tila ba ay
walang hanggan. Naiwan na lamang doon ang isa pang panibagong kalupi, ngunit
mas malaki, mas marami.
Sumagi
sa isip niya ang kanyang araw, naglaho na ito, natabunan ng ngayon ang kahapon.
Siya
ay napatindig sa harayang kumislap. Pagkasuot ng balatkayo’y maya-maya pa ay
iniluwa ng eleganteng siwang.
Nagunita
niya ang kaniyang ina, ang mga kapatid, ang selebrasyon ng kanyang araw. Parang kabayo’y bumayo ang
pintig ng kanyang puso. Hinanap ng mata ang pinakamadaling lagusan sa pasikot
ng mataring na gusali. Nangangatog pa ang mga kamay nang matagpo ang kahong mas
matulin sa hagdanan. Matindi ang kanyang kaba, kung bakit ay hindi niya alam.
Lumagapak
ang kahon sa unang palapag. Gumitaw ang puta sa pagbukas ng pinto suot-suot ang
bisnes sut, ngunit ang pulang tinta’y kumulabo.
Bumagal
ang pag-usad ng oras. Sa labas ng edipisyong pinagdausan ng isang gabing ligaya
at aliw, ay isang karagatan ng mga usisero, nakalibumbon sa iisang taong sa
kanyang paniniktik ay nakabulagta, walang malay, kinumutan ng maningning na
pulang pinta ang buong katawan.
Siya
ay napatigagal sa nakita. Pinilit niyang lumapit ngunit kusang nanghina ang
kanyang paa. Sumalampak ang maruming katawan sa lupa habang mulat at dilat ang
mata sa pagmamasid sa kaligaligan ng mga tao.
Namutla
ang labing noon ay walang pinta. Iyon ang kanyang ina, ang mabini, ang dakilang
anyo nang isang nilalang na dalawampu’t dalawang taon niyang minahal.
Pinilit
niyang di maniwala sa imahe ng inang nakaratay sa gitna.
“Nanay…
nasa bahay ang aking nanay at naga-antay sa aking pag-uwi. Di siya pupuntang
hotel, wala siyang dahilan para pumuntang hotel! Hotel? Hindi ako resepsyunist
ng hotel.. Resepsyunist?” nangatal si Karla. Namutla sa pagkagimbal.
“
Hinde! ‘Tang ina, isa akong puta!” sumiklab ang timba ng luhang umagos mula sa
kanyang kaibuturan.
Pinilit
niyang magtungo sa sentro ng kumpulan. Hinawi ang mga baging sa kagubatan ng
paghihinagpis at kapanglawan.
Hinagkan
niya ang kanyang ina ngunit tinakasan na ng init ang katawan nito.
“Alas-dose
ng gabi ng makarating ito sa tawiran papuntang Kabayan. Sa di malamang dahilan,
e parang may hinahabol ang iyong ina. Nagmamadali itong tumawid kahit di pa ito
berde. Dumaan ang isang trak…”
Marami
ang sinabi ng lalaki ukol sa mga huling oras ng kanyang ina. Ngunit tila siya
ay nabingi matapos umagos ang mga butil ng kristal mula sa lagusan ng kanyang
pagkanilalang.
“Tingin
ko, ito ay para sa iyo,” ani ng naka-unipormeng mama sa likuran niya.
Inabot
ng lalaki ang isang pulang pinta.
Namutla
ang puta sa nakita.
No comments:
Post a Comment