Tuesday, January 21, 2014

Sa Likod ng Bawat Kaalipinan ng isang Lider ( a review on a program aired on January 17,2014 by TED Radio)


Tunay na ang pamumuno ay isang pribilehiyo. Ito ay nagbibigay ng kapangyarihan at katungkulan na panghawakan ang mga bagay-bagay na iilan lamang ang pinagpalang nabibiyayaan. Ngunit sa likod ng tayog ng lipad ng bawat naatasan ay isang uri ng kaalipinang patuloy na pinagdudusahan.
Tinalakay sa programang TED Radio mula sa NPR sa pamamagitan ng tagapagdaloy na si Raz ang kaalipinan ng pamumuno: ang mga sagabal, mga pagkakamaling nagagawa at ang kanilang mga natututunan sa gawaing ito.
Ang  programa ay uminog sa uri ng pamumuno na ipinamalas at ang mga paghihirap na dinanas ni General Stanley McChrystal, isa sa pinakamataas na pinuno ng militar ng Estados Unidos na nakadestino sa Afghanistan bilang International Security Assistance para sa naturang bansa.
Ang nasabing heneral ay nasangkot sa isang kontrobersyang lumikha ng pambansang isyu nang mailimbag ang kanyang pangalan sa isang sikat na kolum na “Rolling Stones” sa panulat ng isang mamamahayag na si Michael Hastings.
Nakasama ng tropa ni McChrystal si Hastings habang ginagawa ng nasabing mamamahayag ang isang lathalain ukol sa kanya. Ngunit sa di inaasahang pagkakataon, sila ay nakulong sa Paris dulot ng pagputok ng Bulkang Eyjafjallajökull noong taong 2010.
Nakasama ng grupo ang manunulat nang sila’y makarating hanggang sa Berlin tungo sa Afghanistan.
Sa lathalaing inaakala niya’y magi-imprenta ng mga positibong komento, siya’y napatigagal nang ilabas ng mamamahayag ang isang biruan na hindi na dapat pang inilabas at palawigin upang maging isang nasyunal isyu.
Nairekord diumano ni Hasting ang biruang usapan ng tropang militar ni McChrystal ukol kay Bise-Presidente Biden. Tahasan ring sinabi sa kolum na ang kanyang pamumuno ay nagtutulak sa isang giyera na kaiba sa takbuhing ninanais ng pamahalaan.
Tinawag ng mamamahayag na “Runaway General” si Stan.
Matapos ang pagputok ng nasabing kontrobersya, naiwan kay McChrysler ang desisyon na ipaglaban o hindi ang katotohanan. Subalit ang lahat ay nauwi sa pagtanggap ni President Barack Obama sa pagbibitiw ng heneral.
Ang pagbibitiw sa pwesto ay maituturing bilang isa sa pinakamatinding dagok na maaaring kaharapin ng bawat pinuno. Oo, ito’y mahirap, ngunit sabi nga ng heneral, marahil ang pagbibitiw ang isa rin naman sa pinakamagandang desisyon na nararapat gawin.
Para sa heneral, ang pamumuno, higit sa posisyon, ay koneksyon. Inamin nito kung gaano siya naging totoo sa kanyang mga pinamumunuan at kung sa papaanong paraan ay naging totoo ang mga ito sa kanya.
Ang heneral ay napalaki sa paniniwalang ang isang pinuno ay malakas, matalino, matapang at may malakas na pananampalataya. Hindi siya naniniwala na magagawa ng isang tunay na pinuno na magsinungaling, manloko, magnakaw, o ang mang-iwan ng kasamahan.
Ang kanyang mga batang karanasan sa militar, kasama ang kanyang maituturing na personal na mentor na si Lieutenant Chrysler, ang mga nagturo sa kanya na makakaya nang isang pinuno na hayaan kang lumubog at madusta, ngunit di kailanman na hayaan kang maging isang kamalian o kalugmukan.
Ang mga karanasang kanyang pinagsaluhan kasama ang tinyente ang humubog sa kanyang pagkatao bilang isang lider at nanatiling modelo na kanyang tinitingala ang lieutenant bilang isang halimbawang karapat-dapat gayahin.
Ang pagpasok sa karera ng pamumuno ay may katumbas na araw-araw na pagkabigo, sabi nga ng heneral. Ngunit sa gitna ng mga kabiguang ito ay ang katotohanang ang pamumuno’y may mas nakahihigit na magagandang bunga na naitatamasa kaysa sa mga kahirapang maaaring maranasan.
Ito ay dahil sa ang tunay na pamumuno ay ang impluwensiya na iyong naaambag sa puso at isipan ng iyong mga miyembro. Kung kaya’t maging gaano man kahirap ang mga landasing tatahakin ay makakaya at mapagpupunyagian dahil sa bigkis na nagbuklod sa iyo at sa iyong miyembro tungo sa pagkakamit ng anumang mithiin.
At ang mithiin ay di lamang mithiin ng iisa, partikular na ng sa  pinuno, kung hindi ay isang pangkalahatang mithi at pangkabuuang pagpupunyagi. Patuloy siyang naniniwala na sa mas malawak na paikisangkot ng miyembro, mas lumalakas at dumadami ang mga kinatawan ng pagbabago.
Ang metodo ng pamumunong ginamit ni Stanley ay nakapokus sa kung gaano kahalaga ang ginagampanang papel ng mga miyembro sa isang organisasyon. Siya ay kritikal sa pagbuo ng maayos na relasyon sa kanyang pinamumunuan.
Naninwala siya na ang kagalingan ng pinuno ay di nakabase sa kanyang pagiging wasto at tama, kung hindi ay sa pagiging mapagpakumbaba upang makinig at matuto mula sa kanyang miyembro.
Sa pagkakaroon ng matibay na relasyon, ang isang lider ay makakagarantiya ng lakas ng loob na sa oras ng kanyang kahinaan ay may magtatayo sa kanya sa kung paanong paraan nakasisiguro ang kanyang pinamumunuan sa kanyang pag-agapay.
Sa kabila ng hirap na dinanas ng heneral sa kontrobersiyang hinarap, nagawa nitong makita ang mga magagandang implikasyon ng kabiguan- at ito ay ang pagpapatibay sa kanyang loob bilang isang lider at pagpapaunlad rin naman ng kanyang pagkatao.
Anu’t-ano pa man, ang pagkawala ng posisyon sa kanya ay di niya kailanman paghihinayangan sapagkat naniniwala siya na ang pamumuno ng kanyang pagkatao sa kanyang mga naging miyembro ay mananatili sa kung paanong paraan nananatili ang pamumuno sa kanyang buhay n glider na nagturo sa kanya ng lahat ng ito.
Ang kaalipinan ng isang lider ay tunay na nakapanlulumo ngunit ang mga bungang idinudulot nito ay sapat ng gantimpala sa may tunay na puso na nakatuon sa paglilingkod.


No comments: