Monday, September 23, 2013

Katotohanan: It’s worth dying for (Paglaban sa kultura ng pagkitil sa mga mamamahayag)


Minsan sa aking buhay, bilang isang mag-aaral, aking pinangarap ang maging isang mamamahayag. Hinangad kong sumulat gamit ang mga sandatang kaloob ng Diyos ng buong karangalan, ninais kong makalikha ng mga artikulong hindi lamang magsisilbing borloloy sa pahayagang pampaaralan, kung hindi ay makaimpluwensiya at sa kahit papaanong paraan ay makapagpabago ng pag-iisip ng mga tao.

            Isang pangarap, para sa akin, ang pamamahayag ay isang pangarap. Pangarap na hindi ko hahayaang di ko maabot, aking pagsusumikapan at bibigyang katuparan. Masarap sumulat, iyan ang totoo, masarap lasapin ang mga pribilehiyong handog ng demokrasyang ating niyayakap. Isang kalayaang ganap, tunay na ganap.

Nakalulungkot man, pero naging kultura na raw sa Pilipinas ang impunity o media-killing. Ito ay ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP. Labag sa mata ng Diyos, labag sa harap ng batas, at labag sa karapatang pantao.

Ang unang naglaro sa aking isipan, anong kinabukasan ang aking patutunguhan sa karerang ang buhay ang nakasalalay? Marapat ko pa bang ituloy ang pag-alab ng pangarap na minsan sa aking musmos na isipan ay nagningas?

Minsan tayong sinindak ng malawakang masaker sa Maguindanao. Tunay na kahindik-hindik ang mga pangyayaring tulad nito. Kultura, anila’y nakasanayan na, bahagi na nga ba talaga ng kultura ang pagpaslang o pagkitil sa isang mamamahayag?

Takot…takot ang naramdaman ng aking mga magulang sa tuwinang sumasagi sa kanilang alaala ang aking kurso sa kolehiyo. Lagi nilang nasasariwa ang mga balitang nagdulot ng kaba sa kanila. Tingin nila’y kamatayan ang tadhana ng gusto kong tahakin. Tunay na napalitan ng kamatayan ang isang imahe ng katotohanan at kalayaan na noon ay dala-dala at taglay ng mga alagad ng panulat.

Masakit isipin na sa ating makulay at mayamang kultura’t tradisyon, sa isang iglap lamang ay nabahiran dulot ng anila’y kagawian ng media-killing. Hindi lang minsan naisaalang-alang ang mga karapatan at kalayaan ng mga journalists, isang ganap na katotohanan na  sa bawat titik nakataya ang kanilang buhay , sa bawat exposé may panganib na nagbabadya, marahil sa aming mga journalist ay given na iyon, ika nga, anong bago?


Katotohanan, iyan ang tanging laman ng tikom na palad ngunit bukas na bibig ng mga mamamahayag. Siya ring katotohanan na naglantad sa kahubdan ng tunay na buhay ng mga journalists. Tadhana na nga  ang nagtatakda sa kasalimuutan ng buhay ng mga journalists. Karapatan at kalayaan ang nagsilang sa amin, ito rin naman ang kikitil sa amin. Sabi nga ni Ninoy Aquino, it’s worth dying for. Totoo, ang katotohanan, it’s worth dying for.

No comments: