Tunay na ang
pamumuno ay isang pribilehiyo. Ito ay nagbibigay ng kapangyarihan at
katungkulan na panghawakan ang mga bagay-bagay na iilan lamang ang pinagpalang
nabibiyayaan. Ngunit sa likod ng tayog ng lipad ng bawat naatasan ay isang uri
ng kaalipinang patuloy na pinagdudusahan.
Tinalakay sa programang TED Radio mula sa NPR sa pamamagitan ng
tagapagdaloy na si Raz ang kaalipinan ng pamumuno: ang mga sagabal, mga
pagkakamaling nagagawa at ang kanilang mga natututunan sa gawaing ito.
Ang programa ay uminog sa
uri ng pamumuno na ipinamalas at ang mga paghihirap na dinanas ni General
Stanley McChrystal, isa sa pinakamataas na pinuno ng militar ng Estados Unidos
na nakadestino sa Afghanistan bilang International Security Assistance para sa
naturang bansa.
Ang nasabing heneral ay nasangkot sa isang kontrobersyang
lumikha ng pambansang isyu nang mailimbag ang kanyang pangalan sa isang sikat
na kolum na “Rolling Stones” sa panulat ng isang mamamahayag na si Michael
Hastings.
Nakasama ng tropa ni McChrystal si Hastings habang ginagawa ng
nasabing mamamahayag ang isang lathalain ukol sa kanya. Ngunit sa di inaasahang
pagkakataon, sila ay nakulong sa Paris dulot ng pagputok ng Bulkang
Eyjafjallajรถkull noong taong 2010.
Nakasama ng grupo ang manunulat nang sila’y makarating hanggang
sa Berlin tungo sa Afghanistan.
Sa lathalaing inaakala niya’y magi-imprenta ng mga positibong
komento, siya’y napatigagal nang ilabas ng mamamahayag ang isang biruan na
hindi na dapat pang inilabas at palawigin upang maging isang nasyunal isyu.
Nairekord diumano ni Hasting ang biruang usapan ng tropang
militar ni McChrystal ukol kay Bise-Presidente Biden. Tahasan ring sinabi sa
kolum na ang kanyang pamumuno ay nagtutulak sa isang giyera na kaiba sa
takbuhing ninanais ng pamahalaan.
Tinawag ng mamamahayag na “Runaway General” si Stan.
Matapos ang pagputok ng nasabing kontrobersya, naiwan kay
McChrysler ang desisyon na ipaglaban o hindi ang katotohanan. Subalit ang lahat
ay nauwi sa pagtanggap ni President Barack Obama sa pagbibitiw ng heneral.
Ang pagbibitiw sa pwesto ay maituturing bilang isa sa
pinakamatinding dagok na maaaring kaharapin ng bawat pinuno. Oo, ito’y mahirap,
ngunit sabi nga ng heneral, marahil ang pagbibitiw ang isa rin naman sa
pinakamagandang desisyon na nararapat gawin.
Para sa heneral, ang pamumuno, higit sa posisyon, ay koneksyon.
Inamin nito kung gaano siya naging totoo sa kanyang mga pinamumunuan at kung sa
papaanong paraan ay naging totoo ang mga ito sa kanya.
Ang heneral ay napalaki sa paniniwalang ang isang pinuno ay
malakas, matalino, matapang at may malakas na pananampalataya. Hindi siya
naniniwala na magagawa ng isang tunay na pinuno na magsinungaling, manloko,
magnakaw, o ang mang-iwan ng kasamahan.
Ang kanyang mga batang karanasan sa militar, kasama ang kanyang
maituturing na personal na mentor na si Lieutenant Chrysler, ang mga nagturo sa
kanya na makakaya nang isang pinuno na hayaan kang lumubog at madusta, ngunit
di kailanman na hayaan kang maging isang kamalian o kalugmukan.
Ang mga karanasang kanyang pinagsaluhan kasama ang tinyente ang
humubog sa kanyang pagkatao bilang isang lider at nanatiling modelo na kanyang
tinitingala ang lieutenant bilang isang halimbawang karapat-dapat gayahin.
Ang pagpasok sa karera ng pamumuno ay may katumbas na araw-araw
na pagkabigo, sabi nga ng heneral. Ngunit sa gitna ng mga kabiguang ito ay ang
katotohanang ang pamumuno’y may mas nakahihigit na magagandang bunga na naitatamasa
kaysa sa mga kahirapang maaaring maranasan.
Ito ay dahil sa ang tunay na pamumuno ay ang impluwensiya na
iyong naaambag sa puso at isipan ng iyong mga miyembro. Kung kaya’t maging
gaano man kahirap ang mga landasing tatahakin ay makakaya at mapagpupunyagian
dahil sa bigkis na nagbuklod sa iyo at sa iyong miyembro tungo sa pagkakamit ng
anumang mithiin.
At ang mithiin ay di lamang mithiin ng iisa, partikular na ng sa
pinuno, kung hindi ay isang
pangkalahatang mithi at pangkabuuang pagpupunyagi. Patuloy siyang naniniwala na
sa mas malawak na paikisangkot ng miyembro, mas lumalakas at dumadami ang mga
kinatawan ng pagbabago.
Ang metodo ng pamumunong ginamit ni Stanley ay nakapokus sa kung
gaano kahalaga ang ginagampanang papel ng mga miyembro sa isang organisasyon.
Siya ay kritikal sa pagbuo ng maayos na relasyon sa kanyang pinamumunuan.
Naninwala siya na ang kagalingan ng pinuno ay di nakabase sa kanyang
pagiging wasto at tama, kung hindi ay sa pagiging mapagpakumbaba upang makinig
at matuto mula sa kanyang miyembro.
Sa pagkakaroon ng matibay na relasyon, ang isang lider ay
makakagarantiya ng lakas ng loob na sa oras ng kanyang kahinaan ay may magtatayo
sa kanya sa kung paanong paraan nakasisiguro ang kanyang pinamumunuan sa
kanyang pag-agapay.
Sa kabila ng hirap na dinanas ng heneral sa kontrobersiyang
hinarap, nagawa nitong makita ang mga magagandang implikasyon ng kabiguan- at
ito ay ang pagpapatibay sa kanyang loob bilang isang lider at pagpapaunlad rin
naman ng kanyang pagkatao.
Anu’t-ano pa man, ang pagkawala ng posisyon sa kanya ay di niya
kailanman paghihinayangan sapagkat naniniwala siya na ang pamumuno ng kanyang
pagkatao sa kanyang mga naging miyembro ay mananatili sa kung paanong paraan
nananatili ang pamumuno sa kanyang buhay n glider na nagturo sa kanya ng lahat
ng ito.
Ang kaalipinan ng isang lider ay tunay na nakapanlulumo ngunit
ang mga bungang idinudulot nito ay sapat ng gantimpala sa may tunay na puso na
nakatuon sa paglilingkod.