Tuesday, August 12, 2014

Liturhiya ng Isang Sanggol ng Panulat




“Alam nating simula pa man noong una, na tayo ay isinilang upang sumulat.”

Ito ay isang translasyon sa nakakapukaw na bahagi ng sanaysay na tila ba nakapagpabago ng aking pagtanaw sa larangan ng pagsusulat, ang “Why I Write” ni George Orwell.

Ako ay sanggol ng panulat.

Alam kong ako ay iniluwal upang sumulat, ang kumatha ng mga makakabuluhang babasahin, ang magsatitik ng aking bawat hinaing at nasain, ang dumhan ng tinta ang bawat dahon ng papel, ang maghumiyaw gamit ang kagila- gilalas na kapangyarihan ng nakalimbag na letra, ang magluwal ng masiglang pagbabago, magpunla ng progresibong kaunlaran at magtanim ng hanghang na kaligayahan gamit ang halimuyak ng aking retorika.

Ako ay sanggol ng panulat.

Sariwa pa sa aking gunita, una kong pinangarap ang maging isang inhinyero. Gayunpaman, ito’y pangarap na ibinulong lamang ng aking mga magulang bilang kahingian sa aming gradweysyon sa kindergarten. Ni hindi ko pa nga alam noon kung ano ang ginagawa ng isang engineer, kahit pa ang is-pell ito.

Bago pa man ako makapagtapos ng elemetarya ay naging punong patnugot at manunulat na ng editoryal ng aming pampaaralang pahayagan. Sa edad na labing- isang taong gulang, nakapagyari na ako ng mga kuru- kuro na siyang naging puso ng aming papel. Gayunpaman, hindi pa rin lubusang naaarok ng aking bumbunan ang kapangyarihan ng bawat salitang ipipinta ng aking musmos na isipan.

Naglaon ang daluyong, nakarating ang aking kakayahan sa pagsulat sa iba’t- ibang dako ng Maynila; samu’t- saring seminar, mga pakontes at mga malalaking kumperensiya.

Bago pa man ako makapagtapos ng high school, muli akong naging punong patnugot at ngayon ay bilang isang manunulat ng mga makukulay na mga lathalain. Noong mga panahong iyon, dinarang ng mga mapanrahuyong balani ang aking simbuyo sa bawat kurot ng mala- palamuting silaba na aking nadidibuho.

Ngunit sa aking pagtahak sa kolehiyo, pinilit kong alisin sa aking landasin ang pamamahayag. Sa halip, ninais kong ipagpatuloy ang kagustuhan ng aking mga magulang noong ako’y nasa kinder pa, ang maging engineer, na sa pagkakataong ito ay alam ko na ang ibig sabihin, pati na ang ispeling.

Ako’y isang dukha, anak ng pinakaitang lipunan. Hindi lingid sa aking kaalaman na hindi ganoon kaganda ang karera ng journalism pagdating sa usaping pamimilak; di makabubuhay ng pamilya, ika nga nila. Kung kaya’t tulad ng iba’y sinubok kong pumasok sa isang kursong in- demand, tulad na nga lamang ng Inhinyeria.

Bagama’t sinubok kong talikdan ang aking tadhana, tila yata’t ang kapalarang iginuhit sa aking palad ay ang aking pagpapatuloy ng journalistikong pag-aaral.

Salamat PUP! Kung hindi dahil sa pamatay na cut-off ng slots, disinsana’y di ko matutuklasan na ako’y isinilang upang sumulat, na ako’y hungkag na sanggol ng panulat.

Oo nga. Ako ay sanggol ng panulat.

Ako ay sanggol ng panulat na pinapasuso ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas upang maging dalubhasang manunulat. Ang maibalangkas ang mga kaisipan na naaayon sa konteksto, tamang timpla ng gramatika at makulay na organisasyon ng ponema. Ako ay hinuhulma sa anyo ng isang ekspertong maalam sa lahat ng pasikot ng industriya ng Komunikasyong Pangmadla, dalubhasang di matitinag at nag-uumapaw sa kasiningan.

Ako ay sanggol ng panulat.

Ako ay sanggol ng panulat na pinapasuso ng Kolehiyo ng Komunikasyon upang maibsan ang aking kagulumihanan. Marami akong gustong isulat, marami akong gustong isiwalat. At ikaluluwag ng aking dibdib kung ganap ko nang mapapalaya ang aking mga bagabag at kinikimkim sa tanging moda na aking nakasanayan.

Tunay ngang malikot ang utak ng isang writer, kaya’t habang may panahon pa’y kailangan maipiit ng hintuturo sa dulo ng pinsel ang harayang sa anumang sandali ay maaaring kumawala matapos kumislap.


Ako ay sanggol ng panulat.

Ako ay sanggol ng panulat na pinapasuso ng Kagawaran ng Journalismo upang matutong sumulat; pagsulat na may paninindigan, may talino at kapangyarihan. Gusto kong makapag-impluwensiya ng mga kaisipan. Nais kong makapagbigay ng katanggap- tanggap na mga opinyon sa mga isyung kinasasangkutan ng lipunan, mga bagay na esensyal sa pag- unlad ng sambayanan. Mithi kong makapagtuwid ng mga kabuktutan at gayundin ang makapagturo ng katwiran.
Sa ganap na kapanganakan ay nabuksan ang aking kamalayan ukol sa mga sistemang umiiral, higit sa pagbabalita at pagkukuru- kuro, nais kong maipakita ang kagandahan sa bawat kasalimuutan.

Bilang isang feature writer, mas higit kong ninanasa ang makapagbigay inspirasyon, makapaghatid ng pag-asa sa aking mambabasa gamit ang mga istorya ng iba’t- ibang mukha ng mga nilalang na sa mga susunod na panahon ay mithi kong makadaupang- palad.


Ako ay sanggol ng panulat.

Ako ay sanggol ng panulat na pinapasuso para sa aking pamilya, ang maiahon sila sa kahirapan tungo sa pedestal ng kaginhawaan. Bagamat ang pamamahayag ay di trabaho ng pagpapayaman, naniniwala pa rin ako na sa pagtitiyaga at pagkamatatag, samahan pa ng katapatan at kadalubhasaan, ay may kapalit na higit pa sa aking mga kinakailangan.

Tulad ng ibang sanggol na pinapasuso ng isang ina, ako ay kinakalinga upang lasapin ang bawat sustansya ng karunungan, upang lagukin ang linamnam na naidudulot nito, at ang simsimin ang kalusugang esensyal sa aking pagkatao.

At sa aking ganap na paglaya mula sa kanlungan ng kamuwangan, mula sa kandungan ng aking ina tungo sa mundong puno ng pakikipagsagupaan, aking itataguyod ang aking mga natutunan; susuklian ang inang nagtaguyod sa sinapupunan sa uhaw at tigang na sanggol ng panulat.


1 comment:

خدمات منزلية متكامله said...
This comment has been removed by the author.