Simula pa man noong mga unang panahon, naging isang mahalagang pag-aari ng tao ang pera. Simula ng nagamit ito sa sinaunang kalakala't merkado, umigtaw ito ng malaking bahagi sa isa sa pinakaprogresibong sangkap ng estado... ang ekonomiya.
Henerasyon sa henerasyon, iba't- ibang mga anyo; tulad ng ebolusyong tinahak ng tao ang dramatikong transpormasyon sa sistema at moda ng pananalapi. Mula sa isang simpleng buto ng kakaw tungo sa isang kumprehensibong papel, tunay na naging kabahagi ng tao ang pera sa pakikibaka't pakikipagsagupa hanggang sa ito'y humantong sa modernong panahon.
Hindi na nga siguro maiaalis ang pera sa pitaka ng bawat tao. Ano nga kaya ang isang araw sa ating buhay na wala nito?
Totoo, ito'y isang lintang di na kailanman maiaalis. Tayo'y naigapos sa tanikalang tila ba'y hindi rin natin nanaising magpumiglas at humiwalay. Tayo ay naibuhol sa isang buhay kaakibat ito: ang umani, ang gumugol, ang kapusin at ang muling pag-ani tungo sa isang walang hanggang siklo sa mundong pinapagulong ng barya.
Ang parteng ginagampanan nito sa bawat isa ay siya ring nagpasidhi at nagpasukdol sa bawat pagpupunyagi na umani nito; isang layunin upang makapanatili sa gitna ng sagupaan.
Sa mundong pinaaandar ng salapi, ang tao'y tila ba nabubuhay sa paulit-ulit na paghagilap sa mga paraang hantad nito. At sa sanlibo't isang paraang binigay ng Diyos, sa kasamaang palad ay binulag ng kakarampot na masasamang paraan ang mata ng sangkatauhan.
Ang katotohanan, ang salaping marapat ay magsilbing bunga ng ating pagpapagal at pagsisikap ay naging bunhi na pinagsikaran ng iba't- ibang tinta ng kadiliman; pinag-ugatan ng kabalakyuta't kasamaan ng sanlibutan.
Tunay nga, money is the root of all evil, ika nga ng Bibliya.
Gayunpaman, ang salapi ay nananatiling materyal na bagay na walang buhay at malay. Ang tao pa rin ang may angkin ng pinakadakilang dominasyon at pagkontrol sa paggamit nito. Nasa sa atin pa rin ang kapangyarihan. Ang salapi'y nananatiling binhi, binhing di mag- uugat sa kawalan ng katalist upang ito'y lumago, magbunga.
Kahirapan o pagkagahaman? Kakulangan o kasibaan? Kakapusan o katakawan? Ano ang tunay na ugat ng kasamaan?
Pagnanakaw, patayan, masaker, kidnaping na may ransom, kaliwa't kanang holdapan, pangangamkam, korapsyon at katiwalian, pandaraya; ilan lamang ito sa mga buhay na patotoo sa kung gaano kalaganap ang kasamaan, mga malalagim na bangungot na gumigising sa bawat umaga, ang mga malulusog na bunga ng binhing ating pinahahalagahan, lagim na nangangalampag sa telebisyon, radyo at pahayagan.
Ngunit ano nga ba ang puno't dulo ng kasamaang sumaklob sa sangkalupaan? Ang perang sanhi ng kahirapan at karukhaan, ng walang hanggang pakikibaka sa buhay upang makamtan ang inaasam, ng kawalan at ng kakulangan, ng isang pagpupunyagi mula sa pagkadusta, ay sapat nga bang dahilan upang pairalin ang pagkagahaman?
Anu't anopaman, ang kahirapan, kailanman, ay di sapat na dahilan upang gumawa ng kasamaan. Ang bawat isang problema ay may katumbas na tone-toneladang solusyon. Kahit pa ibigay ng kasamaan ang mas madadaling tugon, nananatili ang bundok-bundok na mas mabuting opsyon.
Samantalang ang pagkagahaman, ang paghahangad higit sa nararapat, ang pagkamkam sa mga bagay na hidi pagmamay-ari, ang pagtakas sa pagkakuntento sa kahirapang inilatag ng mundo; ang siyang puno at dulo, ang ugat ng kasamaan.
Gaano pa man kainam ang kariwasaan ng daigdig upang punan ang ating pangangailangan, hangga't nananatili ang mga taong gahaman, mga taong naghahangad ng higit sa katakdaan, maghahari't maghahari ang kasamaan sa mundo.
Patuloy na lalaganap ang krimen upang makalamang, pandaraya upang kumita, ang pagnanakaw upang sumagana; ang mundo ay mananatiling puputaktihin ng mga taong nag-aagawan sa yaman, nakikibaka't nakikipagsagupaan, ang sumikad tungo sa pag-unlad sa ilegal na pamamaraan.
Sabi nga ni Mahatma Gandhi, ang yaman ng mundo ay nakasasapat upang punan ang ating mga pangangailangan, ngunit kapos upang tupdin ang ating mga naising sakim at pagkagahaman. (“The world has enough for everyone's need, but not enough for everyone's greed.”)
Aanhin pa ang bulsa kung wala namang lamang pera. Tunay na hindi maaaring mawaglit ang bagay na ito sa atin. Ang halaga nito ay napakasensitibo sa bawat isa dahil maging ang mundo ma'y pagtaub- taubin, mananatiling dito nakasandig ang buhay natin.
Atin lamang alalahanin na hindi lamang ito ang bumubuo sa buhay ng tao. Marapat na tayo'y maging responsable sa paggugol nito.
Nawa'y maging maalam ang bawat isa sa pagpapaikot nito sa ating mga kamay at huwag hayaang ito ang magpaikot sa ating mga buhay.
No comments:
Post a Comment