Imulat mo ang Iyong Mata, Kabataan- Marc Ace B. Palaganas
Malamig… hagupit ng bagyo’y humahampas sa buong kamaynilaan. Masarap mamaluktot,magbalot sa kumot, kahit anong ingay ay wala akong pakialam… tilaok ng manok, tunog ng alarm clock ,boses ni inay, kulog ng kidlat, tikatik ng ulan sa yero. Maingay ang paligid…pero ayoko munang imulat ang aking mga mata.
Pagmulat… mahirap ngang imulat ang mata mula sa pagkahirati sa matagal na pagkakahimbing. Masarap matulog, mabuting huwag na lamang makialam sa anumang nangyayari sa paligid. Mabuting wala na lang alam, iyang ang lagi kong sambit. Mabuting huwag na lamang makisangkot sa kasalimuutan ng buhay sa daigdig.
Social awareness… pagkamulat ng mata ng lipunan. Isang bagay na kinalimutan ng mga musmos na kaisipan. Tila ata’t di bahagi ng lipunan. Kabataang inaakalang pag-asa ng baan. Pag-asa nga bang maituturing kung inosente’t walang malay sa ginagalawang kapaligiran?
Sa mabilis na pag-inog ng mundo, dumating na rin ang iba’t-iba at sari-saring mga pagbabago. Suliraning nagpabago sa ikot nito at siyang nagpabaligtad sa agos ng buhay. Araw- araw tayong ginigising ng mga problemang nagpangiwi sa bawat umaga. Kabataan ngayon ay nasasangkot maging sa patayan, nakawan, terorismo at marami pang uri ng krimen na di mo aakalaing kaya nating mga kaabataan.
“Bilang isang mag-aaral, ang magagawa mo para mabago ang mundo?”, isang tanong na nagbuhat mula sa labi ng aking guro sa Araling Panlipunan. Tumibok ng mabilis ang aking dibdib. Kinabahan ako. Walang anu-ano’y nasambit ko ang katagang social awareness. Hindi ko alam kung paano pero ang talagang tanong na naglaro sa isip ko, alam ko ba tlaga ang sinasabi ko?
“ Huwag na tayong lumayo”. Ito ang mga huling katagang namutawi sa aking mga labi. Sa puntong ito’y naganap ang isang pagbabago sa aking buhay. Nabuksan ang aking mga mata, mata na noo’y ayaw kong idilat, na sa di kaginsa-ginsa’y namulat.
Ang puso ko’y gusting lumukso, tumalon, su mabog, gusting kumilos, gumalaw, gumawa ng pagbabago. Isang tanong ang lumikha ng pag-aalinlangan sa aking naisin… Ano naman ang magagawa ko?
Sa mga maliliit na gawa, nagsisimula ang pagbabago, totoo…isang dramatikong pagbabago. Pagbabagong hindi lamang nagbubuhat sa kamay ng iilan, sa pag-iisip ng isang tao o sa pakana ng piling-pili o mga natatangi.
Tunay na maliliit lamang ang kamay ng kabataan. Taglay nga’y maliliit na tinig at kapangyarihan. Isang katotohanang likas na nagaganap. Hindi it marapat na maging isang hadlang, sa halip, maging kalakasan. Ang pinagsama-samang kamay ay makapagdudulot ng mas malaking pwersa, pwersang makapagdudulot ng pagbabago, pagbabagong magdadala sa inaasam na klase ng pamumuhay… matiwasay at mapayapa.
Ito na ang tamang panahon… panahon ng pagkamulat. Panahon ng paggising sa natutulog na diwa ng kabataan. Ang ingay ng kapaligiran ay nakabibingi. Sabay-sabay alisin ang talukbong, iunat ang mga baluktot at nanlalamig na paa’t kamay, imulat ang mata sa isang umaga ng pakikibaka at pakikisangkot. Tayo ay humanda sa nagbabadyang…PAGBABAGO.
No comments:
Post a Comment